Paalam, mutyang Bayang iniirog ng araw,
Perlas ng Silangang Dagat, naglahong paraiso.
Sa iyo na itong buhay kong puno ng lumbay,
Na kahit ba naging mas maningning, o mas sariwa,
Sa iyo ko pa rin iaalay.
Sa gitna ng digmaan, sa init ng labanan,
Walang alinlangang mamamatay para sa iyo.
Sa lilim man ng punong matatag, sa piling ng laurel o lirio,
Sa bitayan man o sa parang, lumalaban man o pinapaslang,
Ang mamatay ay mamatay kung sa ngalan ng bayan.
Papanaw akong nakatingala sa abuhing kalangitang
Nagbabalita, sa wakas, ng liwanag matapos ang gabi;
Kung kailangan mo ng kulay para sa iyong bukangliwayway,
Heto ang aking dugo: Padanakin sa tamang oras
At patingkarin ang bagong-silang na araw.
Pangarap ko nang nagbibinata pa lamang,
Pangarap noong umaapaw ang sigla
Ang makita ka, brilyante ng Silangang Dagat,
Na tuyo ang mga mata, nakataas ang noo,
Maaliwalas ang mukha, at walang dapat ikahiya.
Pangarap ko ito sa buhay at matamis kong lunggati.
Mabuhay ka! Ang tangis ng diwa kong lilisan na;
Mabuhay ka! Kaysarap bumulusok upang makahulagpos ka.
Mamatay nang ika’y mabuhay, mamatay sa ilalim ng iyong langit
At sa mahiwaga mong lupai’y habambuhay na mahimbing.
Kung umusbong balang-araw sa aking puntod
Ang isang payak na bulaklak sa gitna ng makapal na damo,
Ilapit sana ito sa iyong labi, at hagkan ang aking kaluluwa.
At sa ilalim ng puntod, mararamdaman ko
Ang malambing na hihip ng mainit mong hininga.
Tanglawan sana ako ng malamlam na ilaw ng buwan.
Dumampi sana sa akin ang mailap na liwanag ng umaga.
Ang hangin naman, manangis sana;
At sakaling sa puntod ko’y may ibong dumapo,
Humuni sana siya ng mapayapang kanta.
Tangayin sana ng araw ang ulan,
at bitbitin ang adhika ko’t isauli sa kalangitan.
Marahil may kaibigang luluha sa aking pagpanaw;
Kung sa tahimik na gabi’y makuha niya akong ipagdasal,
Bayan ko, siya sana’y magawa mong sabayan.
Ipagdasal mo rin sana ang lahat ng ibang pumanaw,
Ang lahat ng ibang dumaan sa paghihirap;
Ang lahat ng inang dumanas ng pait;
Ang mga naulila, nabalo, nagdusa sa piitan;
Ipagdasal din sana ang sariling katubusan.
Kung babalot sa libingan ang gabing madilim
At maiiwang naglalamay ang mga bangkay,
Huwag sanang bulabugin ang misteryo’t pakikiramay.
Sakaling may tugtugin o pasyong marinig,
Ako iyon, mahal kong Bayan, na sa iyo’y umaawit.
At balang-araw kung ang puntod ko’y malilimot,
Kung walang krus o batong magsisilbing tanda,
Hayaan itong masaka at mabungkal
Nang ang aking abo, bago pa maglaho,
ay kumalat at lumatag sa iyong lupain.
Kung mangyari iyon, hindi na baleng ako ay malimot;
Lalakbayin ko ang kalawakan, ang kalangitan, ang bawat pook:
Himig akong dadapo sa iyong tainga;
Samyo, liwanag, kulay, bulong, awitin, hinaing
Na uulit-ulit sa diwa nitong pananalig.
Mahal kong bayan, lungkot ng aking kalungkutan,
Mahal na Pilipinas, makinig sa huli kong paalam.
Iniiwan ko ang lahat: Magulang, lahat ng inibig.
Pupunta ako kung saan walang alipin, berdugo, o manlulupig.
Kung saan naghahari ang Diyos, at hindi nakamamatay ang manalig.
Paalam, ama’t ina, mga kapatid, bahagi ng aking diwa;
Mga kaibigan sa pagkabata, sa naglaho nang tahanan.
Magpasalamat at tapos na ang panahon ng pagkapagal.
Paalam, matamis kong estranghera, kaibigan, kaligayahan.
Paalam, lahat ng mahal ko. Pahinga ang pagpanaw.
salin ni Mikael de Lara Co

Araw ni Rizal ngayon, baka nalimot mo na. Galing sa www.gov.ph ang litrato.